4.20.2007
Pagbabalik.
Isang napakalaking desisyon ang aking ginawa ngayong araw na ito. Ito ay desisyon na pinagisipan ko talagang maigi. Ito ay ang desisyon na pagupitan na ang aking apat na buwan na inalagaan at pinahabang buhok. Isang masakit na desisyon kung ako ang tatanungin niyo ngunit hindi ko na matanto kung ano ang gagawin ko dito kapag labis na naiinitan na ako. Ayoko naman gumamit ng "headband" dahil masyado itong pambabae at lalo naman ayaw kong gumamit ng "hairclip" dahil masyado itong malandi kaya dumating ako sa konclusyon na tuluyan nang pabawasan sa isang barbero ang aking pinagkakatangi-tanging buhok.Alam kong iniisip mo na "ano nga ba ang pakielam ko sa buhok mo?". Ang tanging masasabi ko lang ay "hindi ko rin alam". Basta ang tanging dahilan na pagsusulat ko ng tungkol doon dito ay dahil gusto kong ipamahagi ang aking dinanas ngayong araw na ito.
Kanina, nang ako'y umuwi na galing sa "Reyes Haircutters", naisipan kong dumaan sa bahay ng akin lola sa "side" ng aking ama. Pagdating ko dun ay nakita ko kaagad ang aking lola na naglalaro ng bidyo (video karera : isang sugal kung saan ay tumataya ka ng tig-pipiso sa isang makina upang masabi mo kung anong pares ng numero ang mananalo. Ang numerong mananalo ay magkakaroon ng premyo na depende kung ano ang katumbas ng halaga nito, bawat laro ay iba iba ang katumbas na premyo ng isang kombinasyon). Nagbatian kami at pagkatapos noon ay hinanap ko sa kanya ang aking lola sa tuhod (note: lahat ng lolo ko sa side na ito ay tigok na). Nakita ako ng aking tiyahin at umakyat ako sa bahay nila. Nakita ko ang aking pinsan na aking ding inaanak sa binyag. Siya ay anim na buwan na. Carl ang pangalan at halos kamukhang kamukha ko nung ako'y sanggol pa lamang katulad niya. Pareho kaming malusog, maputi at masiyahin. Sa hindi ko malaman na dahilan, madaling napalapit sakin ang bata wari ba'y matagal na niya akong kilala at natuwa naman ako dun dahil ako ay mahilig makipaglaro sa mga bata at sanggol at lubhang ikinasisiya ko kapag napapatawa ko sila. May isa nga lang kaming problema dun sa bata. Ayaw niya kaninang sumuso sa kanyang ina sa hindi namin alam na kadahilanan kaya napagpasyahan namin na ipagbilin muna ang bata sa isa ko pang tiya at bumili muna ng gatas sa "Mercury Drug". Ang binili namin ay Bonamil pagka't ito ay angkop para sa edad ng aking pinsan. Pagbalik namin ay tulog na ang sanggol at idiniretso na namin siya sa duyan upang tuluyan nang makatulog ng mahimbing. Sa kalagitnaan ng aming usapan, ako ay nagulat nang biglang kumilos at nagising ang bata, tumayo ako at nilapitan siya sa pagaakalang siya ay iiyak. Ngunit hindi siya umiyak kaya nagpagpasyahan namin na padedehin na siya nung binili naming gatas.
Biglang tumunog ang aking telepono at ito ay ang aking nanay. Isa lang ang ibig sabihin nun. Ako ay dapat nang umuwi. Kaya, ako'y nagpaalam na sa lahat at nilisan ang isang lugar na minsan ko ring tinirhan.
♡ I'll remember you { Biyernes, Abril 20, 2007 }