11.29.2008
project sa filipino
Dear Bench,

Unang araw ng Immersion

Ayan. Nagsimula na ang “Immersion” naming mga miyembro ng ika-apat na taon ng hayskul sa San Beda College Rizal Campus. Ginanap ito sa Sitio Paraan, Brgy. Tenejero, Pulilan, Bulacan.

Nobyembre 18 naka-“schedule” ang Immersion ng klase namin kasama ang 4-42 at 4-41 na klase mo at klase ni Sir Miranda. Sabi nila 6:30 daw dapat nasa school na kaya eto naman akong tanga, nagmamadali pang pumunta ng school. Nag-taxi pa nga ako eh. Dumating ako nun sa school ng alas-sais at wala pa gaanong tao. Nakita ko si Sud at Shak at dumiretso kami sa kantin para kumain ng almusal. Syempre, as usual, eh late kami naka-alis sa school. Mga alas-siyete na ata yun eh. Buong biyahe naman eh tulog ako. Katabi ko nga pala si Cabu sa bus at siya rin eh tulog din habang nakikinig kami ng kung anu-anong mga kanta sa MP3 player ko.

Nagising ako sa kalagitnaan ng biyahe pero nasa may TriNoma palang kami kaya natulog nalang ulit ako.

Dumating kami sa Brgy. Tenejero ng mga 9:45 at naghintay ng “go signal” para magsimulang maglakad papunta sa Sitio Paraan. Napaka-init nung araw na yun. Tinulungan ko si Kristine sa mga dalahin niya at pinayungan niya ako. Team work ika-nga nila. Ang sweet nga daw namin eh.

Dumating kami sa lugar na pinagdadausan ng programa ng mga banding 10:15 at naupo. Nakakagago kasi yung ibang parents merong mga printed na mga pangalan ng “anak” na naka-assign sa kanila tapos yung sa amin eh wala. Suspense tuloy. Nakasulat lang yung mga pangalan nila tapos may dalawang bullet. Blanko.

Nung ina-announce na ang mga magulang at mga anak eh isa-isa nang nagkaroon ng pangalan ang mga magulang ng section naming at nakita ko si Mrs. Julie Cruz, yun ang nanay naming ni JP. Naka-itim siyang pangtaas at naka-maong na pantalon.

Nung tinawag na kami ni JP eh sabi nung host na makukuba daw kami sa bukid at hindi na ako lalaki. Syempre medyo natakot ako.

Sinamahan kami ni Nanay Julie sa bahay nila na hindi naman masyadong kalayuan mula sa bulwagan at pinagpahinga kami. Hindi malaki ang bahay nila at medyo masikip pero ayos lang naman yun kasi sanay naman ako sa ganung bahay dahil may bahay kami na ganun din.

Naabutan namin sa bahay ay si Ate Aiko na manugang ni Nanay at si Tatay na tulog pa kasi nalasing daw nung gabi bago kami pumunta.

Kapitbahay naming sina Xavier at Cabu kasi yung nanay namin at nanay nila ay magkapatid. Bale, pinsan namin sila. Bumisita kami sa bahay nila at sabi ni Nanay Doray na dun kami matutulog sa gabi kasi wala kaming matutulugan sa bahay namin. Pumayag naman kami at pagkatapos nun ay naglibot-libot na.

Nasa likod ng bahay namin ang bahay nina Robin at Shak at sa tabi nun ay ang bahay nina Chu, King, Pan at Luis. Magkakakamag-anak yung pamilya namin kaya isa kaming “one big happy family” dun sa compound na yun.

Mga bandang alas-kwatro eh kailangan na naming pumunta ng bulwagan para sa mga class contests. Yung unang laro eh para sa mga lalaki.

May itlog na ilulusot sa leeg ng pantaas at ipapasok sa loob ng salawal hanggang makalabas sa butas ng salawal at ipapasa sa katabi. Paunahang matapos hanggang makarating sa pinakahuling tao sa pila. Panalo kami dito.

Sumunod na laro ay para naman sa mga babae. Mayroong balde ng tubig sa isang dulo, at isang boteng walang laman sa kabila. Sasalukin nila ang tubig mula sa balde gamit ang kamay at ililipat sa bote at paramihan ng tubig pagkatapos ng tatlong minuto. Panalo ulit kami dito.

Ang pangatlong palaro ay para ulit sa kalalakihan. Kasali na ako dito. Ipapasoko mo ang straw na lubid sa kaliwang manggas ng damit mo tapos ipabababa sa salawal hanggang makalabas sa butas ng salawal, ipapasok sa kanang butas at itataas naman sa kanang manggas. Ipapapas sa katabi at itatali ang unahan at hulihan kapag natapos na. Medyo masakit sa bayag itong larong to kasi nakikiskis at sobrang naiiipit. Talo kami dito.

Sumunod ay para sa mga babae ulit at ito ay batuhan at saluhan ng cornick. Talo kami ditto kasi magaling kang sumalo eh.
Ang huling laro ay hindi na kami kasali kasi kami ang may pinakamaraming panalo di tulad ng ibang section na tag-isa lang. Dapat mamili muna ang section ng isang hari o reyna at puprotektahan nila ito upang hindi mabasa ng kalabang kupunan. Magkayakap lahat sila upang silungan ang hari or reyna at babatuhin sila ng kalaban ng mga plastic ng tubig. Kung sino ang mas hindi nabasa ay siyang panalo.

Nanalo rito ang 4-42, klase mo na naman.

Pagkatapos ng mga palaro eh pinabalik na kami sa mga bahay naming para tumulong na sa gawaing bahay at gawin ang mga nararapat naming gawin. Nag-gisa kami ni JP ng corned beef at kasama na yun sa ulam naming nung gabing yun. Nakipagkulitan sa mga kapatid naming bata na sina Bryan at Liezel.

Nung gabing rin yun ay sabay kaming naligo sa poso ni JP. Medyo nakakahiya kasi walang takip pero buti nalang gabi na kasi nakabrief lang ako nung naligo kami. Masaya magbomba ng poso. :))

After maligo eh kumain na kami tapos nagayos na para matulog. Bago kami matulog eh nakipag-kwentuhan kami dun sa OIC ng Brgy. Tenejero para sa Immersion namin at may napagkwentuhan kaming teacher na hindi na namin nalaman kung sino na baboy daw sa gamit at magaling sumayaw. Kung sino man yun eh hindi ko na alam. Lumabas kami saglit at nagpaputok ng Piccolo habang natutulog na si Cabu at napagalitan ni Ms. Bandala dahil gabi na raw eh nagiingay pa kami kaya bumalik narin kami sa bahay upang matulog.

Pagbalik namin eh nagising si Cabu at dun na nagsimula ang kwentuhan na nagsimula ng mga 9:30 at umabot ng mga ala-una ng umaga. Marami kaming napagkwentuhan na hindi ko na sasabihin kasi meron kaming “truce” o “wager”. :D

Nakatulog ako pero hindi pa nakatulog sina Xavier at Cabu kaya hindi ko na alam kung ano ang pinagkwentuhan nila after kong makatulog.

Dun natapos ang unang araw ko ng immersion.
Dear Bench,

IKALAWANG ARAW NG IMMERSION

Nagising ako ng mga alas-siyete at gising na nun si JP at kumakain ng cup noodles kaya nainggit ako ay nagluto rin ng cup noodles. Pagkatapos maghilamos at maglinis ng pinaghigaan eh sabi ni Nanay na pupunta kami sa sapa para manghuli ng isda. Game naman kaming lahat. Syempre kasama sina Cabu at Xavier.

Bago kami umalis, bumili kami ng sangkatutak na kahon ng Piccolo at pinaputok ito habang naglalakad kami sa ilalim ng araw. May mga nadaanan kaming mga itik, at bahay kubo na hindi na namin pinasok dahil magulo daw at maraming nakakakalat na kung anu-anong gamit na pang-saka.

Nung paalis na kami sa kubo ay nakita namin sina Kent at Manu at isinama narin sa pamamasyal namin. Pagdating namin sa may sapa ay may bahay rin dun na kamag-anak din ni Nanay Julie ang nagmamay-ari at mayroong mga alagang kambing at itik ito.

Sa may dulo ay mayroong duyan na nakasabit sa puno ng mangga. Sumubok mamingwit si JP at Kent ngunit sa kasawiang palad eh wala silang nahuli kaya give-up na sila.

Humiga ako sa duyan at tinabihan ako ni Cabu. Nagsoundtrip kami hanggang sa tuluyang makatulog muli.

Nagising ako dahil narinig ko ang boses ni Ms. Bandala at ng iba pa naming kaklase na sina Camille, Robin, Manu, Jaydee, Mikko, Katz, Shakk atbp. na hindi ko na maalala kasi medyo naalimpungatan ako nun eh. Sabi pa ni maam eh marami kaming pictures habang tulog kami.

Maya-maya eh tinawagan ni Maam si boyfriend niya sa cellphone at nagtilian kami. Ilang sandali pa eh nagpasiya na kaming bumalik sa aming mga tahan para mananghalian na. Dumaan kami sa pilapil pabalik ng bahay namin dahil mas madali daw dun at hindi malayo ang iikutan. Nakakapagod nga lang kasi dapat balansihen mo ang katawan mo kundi ay mangu-ngungod ka sa putikan at uuwi kang mukhang taong grasa.

Pagdating namin sa bahay eh nagluto kami ng meat loaf at kumain na ng tanghalian.

Alas-tres ng hapon na iyon ay mayroong naka-iskedyul na pabinggo para sa mga pamilya namin kaya dapat maligo na kami. Naligo sina Pan at Luis sa poso ng bahay namin at nabasag ko pa ang tabo ng pamilya nila.

Pagkatapos nun ay naligo narin kami ni Xavier at dumirecho na sa bulwagan kasama ang aming mga nanay.

Hindi man kami nanalo eh nagenjoy naman kami sa pabinggo dahil bonding experience din yun para samin.

Pagkatapos ng binggo ay pinauwi na ang mga pamilya at naiwan kami para magkaroon ng class sharing tungkol sa mga bagay na natutunan namin sa Immersion na ito. Lahat kami ay nagsalita isa-isa at nagsabi ng saloobin. Masaya ang immersion at natutunan namin na ang saya ay wala sa mga matiryal na bagay. Nasa puso ito ng pamilya nating lahat. Hindi natin kaylangan ng mga mamahaling bagay para sumaya. Dapat lang mahal natin ang isa’t-isa.

Pagkatapos nun eh bumalik na kami ng bahay at kumain ulit pero kaylangan namin bumalik ng bulwagan ng ganap na alas-sais para sa culminating activity ng immersion.

Pagkatapos kumain eh bumalik na kami sa bulwagan at isa-isang nagpasalamat sa pamilyang kumupkop pansamatala sa amin at inihandog ang gift pack na mga gamit pambahay sa kanila at nagbigay ng maikling palabas para sa thanksgiving namin sa kanila (habang nagaganap ang programa ay katext ko nun si Angelo, wala lang trip ko lang isingit). Binigyan din sila ng pagkain kaya lang inulan kami kaya kinaillangan na naming umuwi. Pinayungan ko pa nun si Angelo hanggang sa bahay nila at sinamahan nang maglakad si Bryan at Liezel pauwi.

Pagdating na sa bahay eh nagayos na kami ulit para matulog pero ako ay wala pang balak matulog nun. Nag-unlicallnyt ako at tinawag si Angelo. Dalawag oras kaming nagusap at mga bandang ala-una na naman ako nakatulog.



Dear Bench,

HULING ARAW NG IMMERSION.

Nagising ako ng mga 3:30 dahil may balak sana kaming magpunta ng palengke ni nanay para mamili ng lulutuin ko para sa kanila. Sinigang na baboy sana kaso malakas ang ulan nung mga oras na yun kaya hindi narin kami tumuloy at natulog nalang ulit ako.

Ginising ako ni JP ng bandang alas-siyete dahil luto na raw ang almusal at hindi na raw ito masarap kapag malamig na. Ang ulam ko ay PALAKA! :D Masarap naman ang palaka at masayang kainin kasi pati buto makakain mo.

Nilibre ako ni Xavier ng taho at pagkatapos nun eh lumabas ako ng bahay at nakita si Bea. Pinakilala niya ako kay Nanay Rose at nagpunta kami sa bahay nila. Ginulo ko si Katreena na kasalukuyang naliligo nung mga panahong yun at nakipagkwentuhan muna kay Nanay Rose tungkol kina Mike Julian na naging anak-anakan niya nung nakaraang taon.

Sinundo ako ni Liezel dahil pinaliligo na ako ni Nanay dahil alas-diyes eh magsisimula na kaming maglakad papuntang simbahan.

Sabay-sabay kaming naligo sa poso nina Xavier, Pan, Luis, Cabu, at Julian at medyo masikip na at naghahati pa kami sa tatlong tabo kaya medyo matagal kami natapos pero enjoy naman.

Pagkatapos maligo ay nagayos na ng gamit at sabi ni Nanay na kumain na kami ng marami kasi magugutom daw kami sa biyahe. Syempre sinunod ko yun.

Masarap ang ulam namin dahil tatay ni Julian ang nagluto. Tinadtad o dinuguan ang ulam namin. Nakalimang sandok pa nga ako ng kanin eh. Sobrang sarap talaga.

Nung matapos na kumain, nagbihis na si Nanay at Bryan upang samahan kami simbahan. Nagpicture-picture kami ng magkakasama at paglabas ko ng bahay, paglingon ko sa bakuran eh naiyak nalang ako bigla.

Hindi ko talaga makontrol ang mga luha ko at habang naglalakad kami at naghihintay na umalis eh umiiyak ako. Pati si Nanay Julie eh naiyak na rin. Kahit na dalawang araw lang kami nagkasama eh napamahal na ako sa kanila. Napakasaya kasi nilang pamilya at parang walang problema. Kita mo sa mukha nila na nagmamahalan sila.

Nasubukan ko namang tumahan nung magsimula na kaming maglakad papuntang simbahan at pinagusapan ang mga bagay-bagay tungkol sa pagiyak ko.

Dumating kami sa simbahan ng mga alas-diyes at alas-diyes y medya nagsimula ang misa. Kasama kami ni JP sa choir na aawit kaya’t nahiwalay kami kina Bryan na kinalungkot ko.

Pagkatapos ng misa eh picture taking time na at nagpapicture ang bawat klase kasama ang kanilang mga pansamantalang pamilya.

Niyakap ko si Bryan ng mahigpit at sinabi ang aking mga huling habilin.

Lumabas kami at kinuha ang aming mga bagahe at muling pumasok sa simbahan para hintayin ang bus.

Nang dumating na ang bus ay hinati ang 4-41 sa dalawang grupo upang mabigyan ng pagkakataong mabuo ang 4-42 dahil nung papunta kami ay sila naman ang hinati.

Derecho sakay kami sa bus at paalis na ng makita kong naglalakad sina Nanay Julie at Bryan at kinawayan ko sila. Muli akong naiyak at tuluyan nang nakatulog.

♡ I'll remember you { Sabado, Nobyembre 29, 2008 }

about

Name : Daniel
Nick : same as above
Age : currently 17
D.O.B : may 22 1992
Horoscope: gemini
School: why the hell do you want to know? are you going to kidnap me or something?




archives

Disyembre 2005, Enero 2006, Pebrero 2006, Marso 2006, Abril 2006, Mayo 2006, Hunyo 2006, Hulyo 2006, Agosto 2006, Setyembre 2006, Oktubre 2006, Nobyembre 2006, Disyembre 2006, Enero 2007, Pebrero 2007, Marso 2007, Abril 2007, Mayo 2007, Hunyo 2007, Hulyo 2007, Agosto 2007, Nobyembre 2007, Disyembre 2007, Enero 2008, Pebrero 2008, Marso 2008, Mayo 2008, Agosto 2008, Setyembre 2008, Oktubre 2008, Nobyembre 2008, Disyembre 2008, Enero 2009, Pebrero 2009, Marso 2009, Abril 2009, Agosto 2009, Setyembre 2009, Oktubre 2009, Nobyembre 2009,

layout

Designer: inkSPLASH
Resources: 1 2 3